Lunes, Disyembre 15, 2014

ika-15 ng Disyembre taong 2014: ikalabingpitong araw

[Ssu-ma Niu, worrying, said, “All people have brothers but I have none.”  Tzu-hsia said, “I have heard [from Confucius] this saying:  ‘Life and death are the decree of Heaven (ming); wealth and honor depend on Heaven.  If a superior man is reverential (or serious) without fail, and is respectful in dealing with others and follows the rules of propriety, then all within the four seas (the world) are brothers.’  What does the superior man have to worry about having no brothers?”]
                                                                                         -Analects 12:5

                 
May tao bang walang kapatid? Ang mga winika ni Confucius ay nagpalubag sa aking damdamin na isang bugtong na anak na tulad ni Ssu-ma Niu na nababahalang na nag-iisa. Sa pahayag ni Confucius sinasabi na walang tao sa mundo na walang kapatid, ibigsabihin ay wala man akong kapatid na nanggaling sa iisang magulang ay mayroon parin akong kapatid sa iisang tagapaglikha. Paano ba makikilala ang aking mga kapatid? Ayon sa sinabi ni Confucius, upang makilala ang aking mga kapatid kung ako'y maging isang mabuting tao. Ang pagiging mabuti ay tumutukoy sa isang prinsipyong ginagawa na kung ano ang tama at ano ang siyang nararapat, kaakibat pa nito ang pagiging tapat at taos-puso sa paggawa kung ano ang tama at nararapat. Kung gayon, may kahirapan pala na makilala ang aking kapatid, sa panahong ito bihira ko nalamang magagawa kung ano ang tama at nararapat ng taos puso sapagkat hindi ko pa alam kung ano ang tama at ano ang nararapat.


Biyernes, Disyembre 12, 2014

Ika-12 ng Disyembre taong 2014: ikalabinganim na araw
[Confucius said, “He who learns but does not think is lost; he who thinks but does not learn is in danger”]
                                                                                                                        Analects 2:15

            Sinasabi na ang taong natututo na hindi nag-iisip ay nawawala sa kanyang direksyon, at ang taong nag-iisip ngunit hindi natututo ay malapit sa kapahamakan. Ang tao’y may natutunan sa kanyang mga karanasan o sa simpleng leksyon sa paaralan kasabay ang iba’t ibang paraan upang matutu, ngunit hindi naman napagwawari o naisasapuso ang mga kaaalamang isinubo, ang lahat ng kaalaman ay mawawalan ng saysay at maglilito lamang sa kanyang mga hakbangin patungo sa kanyang layunin. Kapag naman ang tao’y nag-iisip ngunit hindi naman natututo ay waring isang mangmang na naglalakad sa isang kapatagan na maraming matitinik na halaman. Alam niyang maraming matitinik na halaman na kanyang maaapakan kapag siya ay dumaan, pero sa kabila ng kaalamang ito patuloy parin siyang dumaraan ditto at laging naapakan ang matitinik na halaman. Sa halimbawang yaon ay napapakita na parang isang “katangahan” ang kanyang ginagawa nasa isip niya ang kapahamakan ngunit hindi parin natututo at patuloy parin sa pagkakamali na nagbunga sa kanyang kapahamakan.

Huwebes, Disyembre 11, 2014

ika-11 ng Disyembre taong 2014:ika labinglimang araw

[tzu-kung asked about the superior man. Confucius said, “He acts before he speaks and then speaks according to his actions.”]
                                                                                                            -Analects 2:13

            Sa prinsipyong sinabi ni Confucius kay Tzu-Kung naangkop ditto ang sikat na kasabihan sa wikang Ingles na “Actions speaks louder than words”, na ibigsabihin ay mas mayroong nasasabi ng kilos kung ihahalintulad sa mga salita. Sa kasabihang ito’y naalala ko noong nakaraang taon noong natutunan ko ng salitang “DISCERNMENT” o pagwawari-wari na ibigsabihin ay pagtitimbang-timbang sa mga hakbangin sa tuwing gagawa ng isang desisyon. Naging isang prinsipyo na lagi kong sinasabi sa aking mga kaklase ngunit hindi ko naman nasusunod at hindi ko naman kayang pangatawanan. Sa isang pagkakataon ay napag-nilayan kong hindi kop ala nagagampanan ang aking mga sinabi waring ako’y naging isang mangmang at katawa-tawa, minsan ay naiisip kong tumahimik nalang sa halip na maging isang impokrito.
ika-11 ng Disyembre taong 2014
Ika’tlong Lingguhang papel:
            [What is Philosophy demonstrated in ancient Chinese Philosophy by Confucius in the way he characterized the ideal human being?]

            Sinanasabi na ang tao’y isa sa mga pinakamataas na uri ng nabubuhay sa mundo, sapagkat may kakayahan itong mag-isip o lumikha ng mga kakaibang bagay. Kung sa sagradong Bibliya ang ating pagbabasehan, nakasaad rin na ang tao’y inatasan ng Diyos’ama na pangalagaan ang kanyang mga nilikha. Matapos mabanggit ang mga ideyang nagpapatunay na ang tao’y pinakamataas na uring nabubuhay, nasagi sa aking isipan ang isang tanong na “Paano nga ba natin matatawag na tao ang isang nilalalang?”. Ang pagiging ganap ay hindi lamang tumutukoy sa pagkakaroon ng kompleto at malusog na pangangatawan, sa pilosopiya ni Confucius sa panahon ng sinaunang Tsina ay kanyang binibigyang diin kung ano ang nasa sa isang tao (ideal human being), ang pilosopiyang ito ay naglalayong maipaliwanag kung papaano nagiging ganap na tao ang isang nilalang. Ayon kay Confucius, ang ganap tao’y may paninindigan, katwiran, at puso na siyang binubuo ng isang tao.
            Ang tao’ may paninindigan, ang isang nilalang ay magiging isang ganap na tao kapag may sarili siyang prinsipyo na pinaiiral sa kanyang aspeto. Ang prinsipyong ito’y naka-angkla parin sa kung ano ang tama at siyang nararapat. Ang ganap na tao’y hindi nagpapadala sa mga maling paniniwala na magbubunga ng kasamaan sa kanyang sarili at sa kanyang nakapaligid-ligid. Ang kanyang prinsipyo ay isang matibay na pundasyon sa isang istraktura, na sin’tibay ng isang blokeng simento na di’matitinag o matutumba sa paghagupit ng anong bagayo. Kapag ang isang nilalang ay may paninindigan sa kanyang prinsipyong tapat sa kung ano ang tama at nararapat, ang nilalang na ito’y magkakaroon ng matibay na paniniwala sa buhay, na kahit sino ma’y hindi ito magigiba.
            Ang tao’y may katwiran, ang pagiging makatwiran ay tumutukoy sa kakayahan ng isang nilalang na magpagwari-wari o mapagnilay-nilayan ang mga bagay-bagay na makakaapekto sa kanyang hakbangin patungo sa kanyang layunin. Ang layunin ng pagiging maktwiran ay naglalayong maituwid ang mga paniniwala o mga hakbangin sa tuwing gagawa ng isang desisyon o tutungo sa isang layunin. Kapag ang isang nilalang ay napagwawari ang mga hakbanging ito, at isinagawa ang mga ito’y hindi magdudulot ng kanyang kapahamakan. Sa kaisipang ito, alam niya kung ano ang tama sa mali at pipiliin kung ano ang tama at nararapat.
            Ang tao’y may puso, ang puso’y tumutukoy sa kabutihan ng isang tao at tanglaw ang katotohanan ng mundo.  Ang puso’y nagpapamalas ng kabutihan na siyang isang esentsiyal sa isang tao, sa puso rin nakakubli ang tunay na pagkatao ng isang tao. Nagiging isang templo o tahanan ito ng kaluluwa ng isang pagkatao ng isang tao na nagtutulak sa’kanya na gumawa ng mabuti ayon sa nararapat.
            Matapos ang ilang pagpapaliwanag sa mga kasangkapan ng isag nilalang upang maging isang ganap na tao, na ang isang ganap na tao’y may paninindigan na naglalayong pagtibayin ang prinsipyo, ang isang ganap na tao’y may katwiran na tumutukoy sa pagwawari-wari sa mga hakbanging patungo sa isang mabuting layunin, at sa huli ay ang ganap na tao’y may puso na tanglaw ang katotohanan at nagtutulak sa isang tao na gumawa ng mabuti.

            

Martes, Disyembre 9, 2014

ika-9 ng Disyembre taong 2014:ikalabingapat na aaraw

[Confucius said: “Give me a few more years so I can devote fifty years to study change. I may be free from great mistakes“]
                                                                                                                             -Analects 7:16

            Sa kaisipang nakasaad ay tumatalakay sa pagiging matiyaga ng isang indibiduwal sa unti-unting pagkamit sa kaalaman. Sinasabi rin na pinag-lalaanan ng panahon ang pag-aaral upang makamit ang kaalaman. Ang layunin ng kaisipang ito’y maipahiwatig ang kahalagahan ng pagigigng matiyaga sa pag-aaral upang maiwasan ang kamalian na maaring maranasan.

Lunes, Disyembre 8, 2014

ika-8 ng Disyembre taong 2014:ika labingtatlong araw

[Confucius said:”Yu, shall I teach you (the way to acquire) knowledge? To say that you know when you do not know and say you do not know when you do not know—that is (the way to acquire) knowledge”]
                                                                                                                        -Analects 2:27

            Paano nga ba nakakamtan ang kaalaman? Ayon kay Confucius ang pagkamit sa kaalaman ay pagtanggap na tayo ay walang alam, o maari ring tawaging “ignorante”. Ang pagiging “ignorante” ay hindi kumakatawan sa kamang-mangan o kawalan ng paniniwala, ang pagiging “ignorante” ay tumutukoy sa isang kaisipan, pagiging makatotohanan sa sarili at hindi lamang nagmamarunong sa lahat ng kanyang natatanaw. Kapag ang isang nilalana’y “ignorante”, nagiging bukas ang kanyang isipan sa mga bagong kaalaman na maaring magbago sa kanyang perspektibo sa buhay na siyang ikauunlad niya sa buhay. Hindi lamang ang isipan ang binubuksan nito pati narin ang pusong nakabalot sa kamang-mangan, ang isa’y naisasapuso ang mga bagong kaalaman o dunong na maari niyang magamit sa hinaharap. Naalala ko pa na aking pag-iisip dati’ tulad ng isang nagmamagaling na tao, sinasabi ko na marmi akong alam sa bagay na’riyan ngunit hindi ko naman napapanindigan ang mga ito, waring ako pa’ng lumalabas na walang alam. Wika nga ni ginnong Socrates “ All we know is we know nothing”

Biyernes, Disyembre 5, 2014

ika-5 ng Disyembre taong 2014: ika-labingdalawang araw

[When his mat was not straight (Confucius) did not sit on it.]
                                                                                                            -Analects 10:9

            Ang pahayag na nakasaad ay tumutukoysa ideya sa kung ano ang dapat ay nararapat lamang na sundin, na parang isang disiplina ng isang nilalang. Sa ideyang ito na nagpapahiwatig na dapat lamang sundin kung ano ang tuwid at hindi ang baluktot na paniniwala, at nararapat lamang na maging isang desiplina ng isang nilalang. Ang ideyang ito rin ay tumutukoy sa disiplina ng isang tao kapag siya ay gumagawa ng isang desisyon. Halimbawa nalamang sa isang mag-aaral na hindi nagawa kanyang takdangaralin at nagkataong mayroon siyang dalawang pagpipilian, ang mangongopya kung sabagay lahat naman ay ginagawa  ang gaing pandaraya, at gawin ang takdang aralin na hindi nangongopya. Hindi ba’t mas mainam na ginagawa ang takdangaralin na hindi nangongopya, sapagkat lubusan pa niyang maiintindihan ang aralin, na ihalintulad sa pangongopya na magdudulot ng pagiging linta ng isang mag-aaral. 

Huwebes, Disyembre 4, 2014

ika-4 ng Disyembre taong 2014:ika-labingisa na araw

[Confucius said, “A superior man in dealing with the world is not for anything or against anything. He follows righteousness”.]
                                                                                                                        -Analects 4:10


            Ang pahayag ay tumutukoy sa prinsipyong naglalayong gawin kung ano ang nararapat. Sinasabi na ang isang dakilang nilalang ay hindi makitid kung mag-isip at naisasagawa ang siyang nararapat. Ang dakilang tao’y may paninindigan kung ano ang nararapat at nananatili ang katapatan sa kanyang paninindigan. Kung ating susuriin, ang pagiging tapat sa nararapat at pinaninindigan ang siyang prinsipyo ay magbubunga pagiging dakilaan at siyang magiging instromento sa pagkakaisa (harmony). Sa’king pagwawari, ang pahayag ay nananawagan sa lahat na gawin kung ano ang siyang nararapat at panindiagan kung ano ang siayng tama sa kadahilanan ng pagkakaroon ng kaisahan (harmony).

Martes, Disyembre 2, 2014

ika-2 ng Disyembre taong 2014: ika-sampung araw

[Confucius said: “There are those who act without knowing (what is right). But I am not one of them. To hear much and select what is good and follow it, to see much and remember it, is the second type of knowledge (next to innate knowledge)”]
                                                                                                            -Analects 7:27

            Sinasabi na kapag may dunong ang tao’y, sadyang alam niya ang tama sa mali at pipiliin kung ano ang tama. Ang taong may dunong ay alam kung ano ang kanyang ginagawa, pinagwawari-wari ang mga bagay-bagay upang mapanatili ang katapatan sa kung ano ang tama, na siyang magubunga nga kabutihan. Ang taong may dunong ay gising sa katotohanan at alam kung ano ang nangyayari sa kapaligiran, kung sadyang gising ang kalooban isang nilalalang at bukas ang kanyang mga mata at tanglaw ang katotohanan, hindi siya mahihirapan sa mga mabibigat na desisyon na kanyang pagpapasyahan. Kung ating pagka-iisipin, ang karunungan ay isang kakayahang ipinagkaloob ng buong maykapal upang tayo ay makapag-wari, makapag-desisyon, at magawa ang nararapat.

Lunes, Disyembre 1, 2014

ika-1 ng Disyembre taong 2014: ika siyam na araw

[Confucius said, "With coarse rice to eat, with water to drink, and with a bent arm for a pillow, there is still joy. Wealth and honor obtained unrighteousness are but floating clouds to me"]
                                                                                                                        -Analects 7:15

          Tuany ngang marangal kung maiituturing ang isang nilalang na matuwid at tapat sa prinsipyong naglalayong makamit ang tunay na karangalan, at siyang di nangangarap makamit ang makamundong karangalan na naguugat sa kasakiman. Ngunit ano nga ba ang tunay na karangalan? Sa aking pagninilay-nilay ang tunay na karangalan ay tumutukoy sa pagkamit ng isang bagay ng isang nilalang na hindi gamit ang kasamaan upang makamit ang isang layinin, at makakadama ng kaginhawaan sapagkat nagawa niya ang tama. Sakasamaang palad, taliwas ang prinsipyong ito na nagbibigay kaginhawaan sa ilang nanunungkulan sa bayan, at iilan lamang ang tumutugon sa prinspying ito buhat narin ng pangangailangan at tukso.

Huwebes, Nobyembre 27, 2014

ika-27 ng Nobyembre taong 2014; ikawalong araw

[Master Zeng said: “Each day I examine myself upon three points. In planning for others, have I been loyal? In company with friends, have I been trustworthy? And have I practiced what has been passed on to me?”]
                                                                                                Analects 1:4


          Sa pahayag na naka saad, ay sadyang tumutukoy sa mga gawain ng isang “mulat” na nilalang, napapagwari-wari niya ang mga pangyayari sa kanyang araw kung siya ba’y mayroong naidulot na kabutihan sa kapwa o tiwalas dito, sa salita, isip, at sa gawa. Isang halimbawa nalamang nito ay yaong ako ay nasa sekondarya palamang, nagkakaroon kami ng “Consciousness Examen” na naglalayong mapagwawari ng mag-aral ang kanyang mga nagawa sa kanyang kapaligiran sa isip salita at sa gawa. Sa paraang ito, natutulungan ako na isipin at unawain ang mga pangyayari sa aking araw at kung ako ba’y may naidulot na mabuti o masama,  ang paraan nang pagwawari ay naglalayong maging “mulat” o bukas ang isang nilalang at makita at maitimbang ang tama sa mali, at pumili kung ano ang nararapat. Halimbawa nalamang sa tuwing tayo ay gagawa ng isang desisyon, naitatanong natin sa ating sarili “ano ba ang kahihinatnan ng hakabng ito sa’kin?” at iba pang dapat matukoy na anggolo sa tuwing tayo ay gagawa ng isang mabigat na desisyon.

Pangalawang lingguhang papel:
“Edukasyon”

            Sa nakaraang bahagi ay natalakay kung ano nga ba ang mga suliraning pangpilosopiya na makikita sa lipuna sa panahon ni Confucius sa Tsina. Ang mga suliraning ito’y waring nagreresulta sa di’pagkakaunawaan ng bawat isa o maari nating tawaging kawalan ng kaisahan, at nagbabadyang maging isang “kanser ng lipunan” ang animo’y kawalan ng kaisahan sa lipunan na nakaayon sa moralidad at etika. Upang malunasan ang “kanser” kinakailangan ng mga medisina o mga gamaot na magpapagaling o lulunas sa karamdaman ng lipunan. Si Confucius ay naghain ng mga solusyon upang malunasan ang karamdaman sa lipunan at balang araw ay gagaling at maiiwasan ang sintomas ng karamdamang humihila sa lipunan papalayo sa pagunlad. Paano nga ba inihain ni Confucius ang mga solusyon sa suliranin sa lipunan? Sa sandaling panahong pagninilay-nilay, napagtanto ko ang kahalagahan ng EDUKASYON, ito ma’y pormal o di’pormal hanggat ito ay naglalayong hubugin ang puso, isip, at katawan ng isang tao at hahantong sa pansariling kaunlaran patungo sa maunlad na bayan.
            Sa paghubog ng puso’y nagsisimula sa kung ano nga ba ang nasa puso ng isang tao, siya ba’y naglalayong masunod kung ano ang tama at nararapat? Paano kung ang nararapat ay hindi tapat sa prinsipyong nasa puso nino man, hindi ba’t mas mainam na kung ano ang prinsipyong moral ay siyang nauuna kaakibat nito ang pagiging mulat sa katotohanan? Ang prinsipyung moral ay tumutukoy sa isang prinsipyong nagingibabaw sapagkat ito ay nasa puso at inaasahang ito ay magdidikta kung ano ang nararapat. Sa pagdidikta ng prinsipyong ito, ay nararapat na nakaakibat ang kamulatan ng puso sa katotohanan , sapagkat ang puso’y nanininlang kung minsan, kapag mulat ito sa katotohanan ang puso ay nagkakaroon ng karunungan at magiging higit pa sa inaakala nino man. Halimbawa nalamang, sa katauhan ni haring Solomon na binigyang kahilingan ng dakilang Diyos ama, at si haring Solomon ay hiniling ang karunungan sa halip sa mga kayamanan, kapangyarihan, at kadakilaan, ang mismong kanyang kahilingan ang ay nagsisilbing isang susi sa pagunlad ng nasasakupan.  Isa ring halimbawa ang suliranin ng dalawang ina sa isang bata nakung saan ay kuminang ang dunong ni haring Solomon, sa mga halimbawa ay napapakita ang prinsipyong moral ni Solomon sa kanyang nasasakupan.
            Sa paghubog sa isipan ng tao’y nagsisimula sa pagiging ganap (maturity) upang magkarron pagunlad sa sarili at isipan na harapin ang katotohanan. Sa pagiging ganap ng isipan ay nagsisimula sa pagka-makumbaba at tinatandaan na tayo ay nakadepende sa ating paligid. Sa simula’t sapul ay nagkamulat tayo sa kanlungan ng ating mga magulang, sa simula palang ay nakadepende na ang isang tao sa kanyang pinanggalingan at sinusunod at tagubilin ng kanyang pinaggalingan. Masasabi nating wala pang napapatunayan ang isang nilalang sapagkat siya parin ay nakadepende parin sa kanyang kapaligiran sabi pa ng kanta “...kaya wag kang magmayabang, na ika’y mautak at maraming alam, dahil kung susuriin at ating iisipin katulad ng lahat ikaw ay tuldok din...”(Tuldok inawit ng bandang Asin). Ang pagiging mapag-kumbaba at pagtanggap ng isang nilalang na siya ay  isang tuldok sa kalawakan lamang, ay gumagasolina sa’kanyang pusong umaalab na maghanap ng kanyang kabuluhan sa mundong ibabaw. Kapag nahanap na ng isang nilalang ang kanyang kabuluhan, ay untiunti siyang magiging ganap.
            Sa paghubog ng katawan ay alinsunod sa puso at isipan ng isang nilalang. Kapag nagkaroon ng kongkretong prinsipyong moral ang isang nilalang kianalailangang subukan ito sa ano mang paraan tulad nalamang ang pagiging mapagkawang-gawa na siya namang igagalaw ng katawan na nakaayon sa prinsupyong moral. Nagiging mas mulat pa sa mga pangyayari sa paligid ang isang indibiduwal kapag siya’y nagkaroon ng dunong sa pagkakaroon ng kongkretong prinsipyong moral. Ang pagiging ganap naman ay tumutulong sa isang nilalang na maghanap ng katotohanan at maging bukas ang isipan patungo sa pansariling kaunlaran.
            Ang edukasyon ay naglalayong mahubog ang puso, isipan at katawan ng isang nilalang sa mundo. Ito ay taliwas sa konsepto ng edukasyon sa kaslukuyan at noong panahon ng mga sinaunang Tsino sa Tsina, na tumutukoy sa paglago ng negosyo o ano mang material na isang kadahilanang nagtutulak sa isang nilalang na gumawa ng kasamaan sa mundo na humahantong sa kawalan ng kaisahan o di pagkakaunawaan sa mundo. 

Martes, Nobyembre 25, 2014

ika-25 ng Nobyembre taong 2014: ika pitong araw

[The Master said, “When one has several times urged one’s parents, observe their intentions; if they are not inclined to follow your urgings, maintain respectfulness and do not disobey, labor on their behalf and bear no complaint.”]
                                                                                                                        Analects 4:18

            Ang prinsipyong matatagpuan sa Analects aklat blg.4 bersikulo 18, ay nag-papaala sa’tin bilang isang anak na dapat parangalan ang ating mga magulang sa paraang pagiging masunurin at pagbibigay respeto. Nararapat lamang na sundin ang kanilang mga kahilingan at isipin ang kanilang intensyon na siyang magtuturo sa’tin na hindi dapat humingi ng ano mang kapalit. At kung  tayo naman ay may kahilingan at hindi napag-bigyan, ay dapat panatilihin ang respeto sa kanila at wag susuway sa kanialng mga utos. Kusang gawin ang mga gawaing hindi na makakayang gawin ng mga magulang.
            Sa prinsipyong ito’y masasabi kong sapat ang aking karanasan upang lubos na mailarawan ang konseptong dapat nasa puso ng mga anak sa kadahilanang pagpaparangal sa mga magulang. Una ay masasabi nating halos lahat naman tayo ay napag-uutusang maglinis ng bahay sa kahit anong paraan kahit simpleng pagwawalis ng sahig. Ang una kong karanasan nito ay noong ako ay nasa 5 taong gulang at natutong magwalis ng kalat sa’king silid, noong una’y di’ko maintindihan kung bakit ko pang kailangang magwalis kung pagkakaisipin ay mayroon naman kaming kasambahay upang gamapanan ang kanyang tungkulin. Ikalawa’y masasabi ko ring lahat naman ay may gustong ipabili kapag hindi ka naman mapagbibigyan ay magdadabog at hindi na makikinig, nasubukan ko narin ang ganitong pangyayari at doon nga ay pinagsabihan ako ng aking ina mali ang aking inasal at dapat umintindi sa’ming kalagayan na mahirap lamang at sapat lamang ang aming pera sa aming PANGANGAILANAGAN at walang nakalaan sa GUSTO’ng mga bagay. At panghuli ay pagiging kusang loob na gawin ang nararapat, halaimbawa nalamang ay ang pagtulong ko sa’ming tindahan sa merkado, nakasanayan ko nang tumulong sa mga gawain sa tuwing nakikita kong pagod na pagod ang katawang ng aking ama’t ina sa pagbabanat ng buto.

            Ang prinsipyong mababasa sa itaas, ay nag-papaalala sa mga responsibilidad nating mga anak, na kumilos dahil ito ay naaayon at hindi sa katiwalisan nito.

Lunes, Nobyembre 24, 2014

ika-24 ng Nobyembre: ika anim na araw:

[The Master said, “If a man sets his heart to benevolence he will be free from evil.”]
                                                                                                           -Analects 4:4

            Ayon sa prinsipyong nakapaloob sa Analects, aklat blg.4 bersikulo 4 na kapag an gang tao’y pinili ang kabutihan na mamalagi sa puso, siya’y malaya sa kasamaan. Ang kabutihan sa puso nino man ay magdudulot ng mabuti sa pansarili at panlipunan na siyang magdadala ng kaunlaran ng iang bayan. Ang kabutihan ay maaring magugnay ng iba’t-ibang tao hindi man pansin nito ang kanya-kanyang kapintasan, isang uri ng kabutihan nito ay pag-ibig sa kanoseptong ito ay tumatalakay sa ideya ng pag-ibig sa pananaw ni Morgan Scott Peck na nagsasabi na ang pag-ibig ay pinauunlad ang pansariling ispiritu, na siyang magtutulak sa isang nilalang na gumawa ng mabuti para kanyang iuunlad. Ang kasamaan naman ay tumutukoy sa ano mang konsepto ng mga di’kaaya-ayang pangyayari sa isang indibiduwal na magtutulak sa nilalang sa kapahamakan, at kapag ang puso’y napunan ng kasamaan, ang gawa, isip, at salita maaring makapanakit ng kapwa. Ayon sa mga depinisyon ng kabutihan at kasamaan, makikitang tiwalas sa isa’t-isa na naglalatung magpaunlad at magpalugmok.

Ang puso’y kanlungan ng kapayapaan,
ang puso’y tahanan kabutihan,
ang kaguluhan ay tigilan

kasamaan ay wakasan.

Biyernes, Nobyembre 21, 2014

ika-21 ng Nobyembre taong 2014:ika limang araw

[“The Master said, “Do not be concerned that others do not recognize you, be concerned about what you are yet unable to do.”]
                                                                                                            -Analects 14:30

            Ang prinsipyong nakapaloob sa Analects aklat blg.14, bersikulo 30, ay tumutukoy sa isang kaisipan na dapat nasa isipan at puso ng bawat nilalang sa mundong ibabaw. Ang kaisipang ito’y nagbibigay mensahe patungkol sa pagkabahala sa kung ano ang hindi nagagawa para sa bayan at pagkabaling ng isipan sa kanyang pagiging kilala. Halimbawa nalanmang nito ay kung ano ang nangyayari sa paraan ng pagbibigay ng serbisyo sa nasasakupan ng isang naihalal na piuno ng isang bayan ,naiilukluk ang isang pinuno sa kanyang posisyon sapagkat naniniwala ang madla na siya’y maghahandog ng magandang pagbabago sa lipunan, at siya nama’y inaasahang ibigay ang nararapat o pangangailangan ng kanyang nasasakupan na naka-ayon parin sa etika o kung ano ang tama. Hindi maituturing na isang dakilang gawain ang pagiging kilala ngunit wala namang naiambag at ang mas malala pa’y nawawaldas ang kaban ng bayan para sa pansariling intension at namumuhay sa karangyaan, at habang ang bayan ay namumuhay sa kahirapan. Marangal kung tawagin ang isang pinuno kung nababagabag ang kanyang kalooban kung siya’y walang nagawa para sa ikauunlad ng bayan.   

Huwebes, Nobyembre 20, 2014

ika-20 ng Nobyembre taong 2014: ika apat na araw


“The Master said, In the past men learned for themselves; now men learn for others.”
                                                                                                            -Analects 14:24
            Ang pahayag na nasa Analects aklat blg.4 bersikulo 24, ay nag papahayag ng ng isang kaisipan patungkol sa pag-unlad ng isang indibiduwal ng dahil sa kanyag natutunan na hindi lamang para sa pansariling kapakanan kung’di ay para rin sa kanyang kapwa, na syang naglalayong mapag-unlad ang bawat isa. Halimbawa nalamang nito ay ang isang guro sa departamento ng Pilosopiya sa’ming kolehiyo ay waring nagging isang Ilustrado, nakipagsapalaran sa ibang bansa upang may bagong kaalamang mahagilap at naglalayong ibahagi ang siyang natutunan sa mga mag-aaral, na siya namang palalagoin at bubunga ng masaganang ani para sa lipunan

            Ngunit sa aking pagtanto ako’y nababahala pagkat ang pahayag naito’y mayroong di’magandang kahihinatnan kapag hindi lubusang naintindihan ng isang mambabasa. Maaring maging isang linta ang isang indibiduwal sa kanyang kapwa o maghihintay nalamang na ang kaalaman ay siyang lalapit sa kanya, at magdudulot ng kabaliktaran tunay na layunin ng kaisipan.
Binu-buong Papel: ikaapat na araw



Ano ang pilosopiya ayon sa sinaunang Tsinong Pilosopiya?

Sa pananaw ni Confucius ,sa paraan ng paghagilap niya ng mga pilosopiyang suliranin.

            Sinasabi na ang pilosopiya ay nagsmula sa mga sinaunang Greyego sa kanlurang bahagi ng mundo, at pinapaniwalaan rin na ang pilosopiya ay isang paraan ng pamumuhay ayon naman sa mga sinauang Tsino. Ayon sa kasaysayan bago paman ipinanganak si Hesus ay bahagyang nabubuo ang sinaunang Tsinong pilosopiya dahil sa isang taong pinapaniwalaang nanggaling sa isang marangal na pamilya at maagang naulila at minahalal ang karunungan siya ay kilala sa pangalang Kong Qui o mas kilalang Confucius sa kasalukuyan, nakilala siya sa isang aklat na pinamagatang Analects na naglalaman ng mga prinsipyo na siyang isinulat ng kanyang mga tagasunod na naglalayong imulat ang isang indibiduwal sa bawat suliranin ng lipunan. Ilang halimbawa ng suliraning ito ay ang panlipunan at hindi akmang mga pangalan.
            Sa suliraning panlipunan: Analects 3:24 – Analects 18:6
            “The keeper of the pass at Yi requested an interview. “I have never been denied an interview by any gentleman coming to this place.” The followers presented him. When he emerged he said, “Gentlemen, what need do you have to be anxious over your Mas- ter’s failure? The world has long been with- out the tao. Tian means to employ your Master as a wooden bell.””
                                                                                                                                                                              -Analects 3:24
                        “Chang Ju and Jie Ni were ploughing the fields in harness together. Confucius passed by and sent his disciple Zilu over to ask di- rections.  Chang Ju said, “Who is that holding the carriage reins?”   Zilu said, “That is Kong Qiu.”   “Kong Qiu of Lu?”   “Yes.”  “Why, then, he knows where he can go!”  Zilu then asked Jie Ni.  Jie Ni said, “And who are you?”   “I am Zhong Yóu.”  “Are you a disciple of Kong Qiu of Lu?”  “I am.”  “The world is inundated now. Who can change it? Would you not be better off joining those who have fled from the world altogether, instead of following someone who flees from this man to that one?”  Then the two of them went on with their ploughing.  Zilu returned to report to Confucius.  The Master’s brow furrowed. “I can- not flock together with the birds and beasts!” he cried. “If I am not a fellow traveler with men such as these, then with whom? If only the Way prevailed in the world I would not have to try to change it!””
                                                                                                                                                                              -Analects 18:6
                Ang mga ito prinsipyong ito ay nagpapahayag ng konsepto sa kamailian sa pagkakaluklok ng hindi karapatdapat na opisyal sa isang pamahalaan na syang naglalayong paglingkuran ang nasasakupan at hindi ang pansariling instensyon, na maaring magdulot ng suliranin sa lipunan.

Kamalian sa Pangalan: Analects 6:23, 12:11, 13:3
            “The Master said, The wise delight in water; the ren delight in mountains. The wise are in motion; the ren are at rest. The wise are joyful; the ren are long lived.”
                “Duke Jing of Qi asked Confucius about governance. Confucius replied, “Let the ruler be ruler, ministers ministers, fathers fathers, sons sons.””
                “The Master said, If one can make his person upright, then what difficulty will he have in taking part in governance? If he can- not make his person upright, how can be make others upright?”

            Ang prinsipyong nakapaloob sa bahging ito ay nagpapahayag ng konsepto ukol sa pagyabong ng isang bansa sa kadahilanang sa mabuting pamamahala ng isang nauukulan sa kanyang nasasakupan, sa pamamaraan ng mabuting komunikasyon.


            Ang pilosopiya ay isang pamamaran sa buhay ng isang indibiddual patungkol sa etika na tumutukoy sa moralidad o kung ano ang naayon at tama para sa ikauunlad ng isang bansa. Katulad nalang sa mga prinsipyo na nagpapahayag ng iisang layunin, ang kaunlaran ng isang indibiduwal tungo sa pagpupunyagi ng isang bansa sa bawat suliranin na kanyang hinaharap. 

Miyerkules, Nobyembre 19, 2014

Ika-19 ng Nobyembre: ikatlong araw

"The master said, ‘In his dealings with the world the gentleman is not invariably for or against anything. He is on the sides of what is moral" Analects 4:10


                 Sa prinsipyung ipinahayag ni Confucius sa kanyang mga istudyante na isinatitik ang mga ito sa aklat na pinamagatang Analects, na matatagpuan sa aklat blg.4 pahayag blg.10 na ang isang maginoo        (tumutukoy sa isang marangal na tao na siyang tumutukoy sa isang pinuno sa isang pook) ay hindi umaayon o ---- sa dalawang bahagi, ngunit siya ay pumamapanig sa kung ano ay moral. Sa prinsipyung ito, ipinapahayag lamang nito ang katangian ng isang mabuting pinuno na hindi nakikita ang kamalian sa mundo at walang pawang pinapanigan, at tanglaw lamang ang tama o moral. Kung lulubusin ang panguunawa sa pahayag o prinsipyo at mahahalintulad sa kasalukuyan ay maaring hindi na makikita ang pagpanig sa moralidad ng mga nasa nauukulan upang makamit lamang ang kaginhawaan o katahimikan. Halambawa nalamang ay ang pagpatay sa mga kriminal upang makamit ng isang lungsod ang katahimikan at seguridad na mga sangkap sa kaunlaran ng isang pook, hindi nabasapat ang pagkakabilanggo ng ilang taon at malayo sa mga minamahal, bigyang pagkakataong makapag-bagong buhay sa likod ng selda na siyang instrument ng rehabilitasyon ng indibiduwal na naglalayong magbago ng buhay ng tao. Sa bagong konsepto ng HUSTISYA sa kasalukuyan ay natatanglaw nito ang pagpugsa ng suliranin at hindi ang konseptong moral ng HUSTISYA.

Miyerkules, Nobyembre 12, 2014

ika-12 ng Nobyembre taong 2014: Ikalawang Araw

         "Mandate of Heaven-  Man's destiny both mortal and immortal depend, not upon the existence of the soul before birth or after death nor upon the whim of spiritual force, but upon his own good words and good deeds"
               

           Sa aking pagbabasa sa aklat na may titulong "A Source Book in Chinese Philosophy" hingil sa Tsinong Pilosopiya, ay mayroong pahayag na humuli ng aking atensyon at napagtanto kong karapat-dapat itong pagnilayan. Ang pahayag na ito ay hinggil sa isang doktrinang binuo ng nagtatag ng "Chou", at tinawag na "The doctrine of the Mandate of Heaven" (isinalin sa wikang Ingles). Ang naturang doktrina ay tumutukoy sa isang kaisipan (maaring ibaling ang pagbabasa sa pahayag sa itaas na bahigi) na naglalayong ipaliwanag, na ang kapalaran ay hindi naka depende sa pagkakaroon ng kaluluwa o sa "kabog ng dibdib", sahalip ito ay naka depende sa kanyang pansariling salita at pansariling gawa.

            Sa naturang pahayag na naglalayung maipahiwatig na ang kapalaran ng isang indibiduwal ay hindi dumidipende sa pang-ispiritual na katangian ng tao o sa "kabig ng dibdib", at ang kanyang kapalaran ay naayon sa kanyang salita at gawa. Kung uunawin nga naman, ang salitang "tadhana" ay maaring hindi aayon sa kapalaran kung ang pagbabasehan ay ang natural na tadhana. Aang terminong natural na tadhana ay tumutukoy sa sinasabing "kapalaran ng isang nilalang sa mundong ibabaw o kaya'y ang isang indibiduwal ay magiging isang matalino sa kanyang paglaki (predestiny)". Hindi rin nakadepende ang "kabig ng dibdib" sa tadhana ng isang nilalang, maaring gagawa tayo ng mga desisyon na maari ring magbago sa'ting mga paniniwala o prinsipyo at minsan ay nababaling ang ating atensyon base sa "lukso ng dugo" at hindi napagwawari ang mga desisyon at unti-unting maliliwanagan ano nga ba ang epekto o resulta ng hakbang na inakala nating tama.

           Matapos ang ilang oras na pagninilay, ay napagtanto kong mas mabuting paglaanan ng oras at panahon ang bawat hakbang na maaring magtulak sa aking kamalian dulot ng "kabig ng dibdib" o sa'king "natural na tadhana".

         






(all photos are from www.google.com,
   no intentions to claim the said items)

Lunes, Nobyembre 10, 2014

ika-10 ng Nobyembre taong 2014: Unang Araw

ika-10 ng Nobyembre taong 2014


          Matapos ang isang semestro upang kilalanin ang disiplinang Pilosopiya ay akala kong lubusan ko itong maiintindihan, ngunit ako'y nabigo sapagkat hindi pa pala nagtatapos sa Kanluraning Pilosopiya mayroon pa papalang ibang uri ng disiplinang Pilosopiya, at isa na nito ay ang Tsinong Pilosopiya. Noong una'y akala ko ang disiplinang ito ay bigla nalang lumitaw at itinuring na isang pilosopiya ng lahat, ngunit ako nanaman ay nagkamali sa aking inakala. Ang disiplinang ito para sa mga Tsino ay isang Pilosopiya o isang pamamaraan sa buhay na syang gumagabay sa isang indibidual na mamuhay na naayon. Sa sulatin ni Confucius na tinawag na "Analects" na naka paloob dito ang mga prinsipyo na gumagabay sa mga tsino noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan. Ngunit ayon sa mga kritiko ang mga sulating ito ay hindi maituturing na isang pilosopiya sapagkat ang mga ito'y isang mga kasabihan lamang at walang ikinukubling malalim na katotohanan.

         Ako ay may mga tanong na nais kong malaman ang kasagutan. Ano nga ba ang basehan ng isang Pilosopiya? Paano nga ba matatawag na pilosopiya na isang pilosopiya?